Written by Reuss Aleistair Lunar
Noong Pebrero 21, 2024, isang mapaminsalang sunog ang sumiklab sa isang masikip na komunidad sa Tondo, Maynila. Ayon kay Chairman Fernand M. Aguilera ng Barangay 52, nagsimula ang insidente bandang 1:30 ng hapon sa isang eskinita sa Fullon Street. Dahil sa masikip at makitid na daan, pati na rin ang mga bahay na gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy at agad na nakaapekto sa mga nadamay na kalapit na bahay.
“Sad to say, ay may dalawa akong constituents na namatay… Mag-ama sila na naabutan. Yung isa po ay senior citizen, yung isa ay PWD.” pahayag niya.

Nakatugon naman agad ang mga kalapit na fire station at bumbero ngunit naging hamon ang pagpasok at paggalaw nila sa lugar. Ang siksikan, kalat sa mga daanan, at mga taong natataranta ay nagdulot ng pagkabalam sa kilos ng mga bumbero.
Para sa ilang residente, ang pangyayari na ito ay nagdulot ng takot, pagkalito, at pagkawala sa kanila. Si Leinell Joy Hizon ay nagising nalang daw sa sigawan at init ng apoy na halos umabot na sa kanyang kwarto.

“Blankong-blanko ko noon. Kasi parang, yun nga yung kasabihan nga. Manakawan ka na, huwag ka lang masunugan…” habang inuna niyang isalba ang pamilya, mahahalagang dokumento, at laptop na ginagamit niya sa trabaho.
Samantala, si Jiezell Briones naman ay nagising na halos hindi na makahinga dahil sa makapal na usok na dala ng sunog. Ang tanging naisip nalang niya ay iligtas ang kanyang sanggol at kanyang pamilya. “Kahit ano po, wala po talaga [kaming naisalba]” aniya, hanggang ngayon ay dala dala niya pa rin ang trauma na sanhi ng insidente. “…kahit may makarinig lang po ako na may sumisigaw, talaga po natutrauma ako. Akala ko po may sunog na naman.”

Ayon sa kanila, sa gitna ng kaguluhan, mayroon namang nagbabayanihan at nagtutulungan ngunit lumabas rin ang gawain ng mga ilan na naging sagabal sa operasyon ng mga bumbero. Marahil ito ay dahil sa panic, at kakulangan sa kaalaman, ngunit ang mga maling kaugalian ay hindi maganda ang epekto sa maayos na pagtugon sa sunog.
Kaya naman mahalagang maunawaan ng mga mamamayan na ang bawat isa ay may sari-sariling responsibilidad na kailangan nilang gampanan sa panahon ng sakuna gaya ng sunog. Ang pagiging handa, kalmado, at disiplinado ay makakatulong upang maging mas epektibo and response operation ng ating mga bumbero.


Mag-iwan ng Komento