Fire Prevention Checklist sa Bahay

I-click ang imahe upang mapanood ang video

Written by Monique Ventura

Graphics by Reuss Aleistair Lunar


“Saglit lang naman ’yan.”

“Mamaya ko na huhugutin.”

“Okay pa naman ’yan.”

Ilan sa atin ang nakapagsabi na ng mga linyang ’yan?

Baka akala mo maliit na bagay lang… pero dito nagsisimula ang malaking problema.

Ang totoo, maraming sunog ang nagsisimula sa mga bagay na ginagawa natin araw-araw. Sa aming pananaliksik, ibinahagi ng mga bumberong aming nakapanayam na ang mga problemang may kaugnayan sa kuryente ay isa sa mga karaniwang sanhi ng mga sunog na kanilang narerespondehan.

Ang magandang balita? Marami sa mga ito ay puwedeng maiwasan.

Narito ang ilang simpleng paalala na maaaring makatulong na mapanatiling ligtas ang inyong tahanan:

Hugutin ang chargers at appliances kapag hindi ginagamit.

Aminin natin… madalas iniiwan na lang nating nakasaksak ang charger kahit tapos na itong gamitin. Minsan pati rice cooker, plantsa, electric fan, o extension cord, nananatiling nakasaksak buong araw.

Bakit ito mahalagang iwasan?

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), ang overloading, sirang electrical connections, at mga depektibong appliances ay ilan sa mga maaaring pagmulan ng sunog. Kaya kung tapos ka nang gumamit ng charger o appliance, ugaliing tanggalin ito sa saksakan.

Ilang segundo lang ang kailangan para gawin ito, pero maaari itong makatulong na mabawasan ang panganib ng sunog.

Iwasan ang jumper o illegal wiring.

Nauunawaan naming may mga pamilyang gumagamit ng jumper o improvised na koneksyon dahil sa iba’t-ibang sitwasyon at pangangailangan. Ngunit kapag hindi maayos ang pagkakagawa nito, mas mataas ang panganib ng overloading, short circuit, at sunog.

Bukod sa jumper o illegal wiring, iwasan din ang “octopus connection” o ang pagsasaksak ng napakaraming appliances sa iisang extension cord dahil maaari itong magdulot ng overloading.

Bakit ito mahalagang iwasan?

Ang isang sirang koneksyon ay hindi lang panganib sa isang bahay. Kapag nagsimula ang apoy, maaari itong mabilis na kumalat sa mga katabing bahay, lalo na sa mga komunidad na dikit-dikit ang mga kabahayan.

Kung maaari, gumamit ng maayos at ligtas na electrical installation. Mas mahalaga pa rin ang kaligtasan ng inyong pamilya kaysa sa pansamantalang solusyon.

Patingnan ang inyong electrical connections kung kinakailangan.

Napapansin mo bang kumikislap ang ilaw?

Umiinit ba ang wire, plug, o saksakan?

May naaamoy bang parang nasusunog?

Kung oo ang sagot mo sa kahit isa lang dito, huwag itong balewalain.

Bakit ito mahalaga?

Minsan, nagbibigay na ng babala ang ating bahay bago pa magkaroon ng sunog. Ayon sa BFP, ang mga sirang wiring, maluwag na saksakan, at umiinit na wire, plug, o outlet ay ilan sa mga senyales na hindi dapat balewalain dahil maaari itong humantong sa sunog.

Mas mabuting ipa-check ito nang maaga kaysa hintaying magkaroon ng emergency.

Kung maaari, magkaroon ng fire extinguisher sa bahay.

Hindi man ito kailangan gamitin araw-araw, malaking tulong ang pagkakaroon ng fire extinguisher kung sakaling magkaroon ng maliit na sunog. Mas mainam din kung alam ng bawat miyembro ng pamilya kung paano ito gamitin bago pa magkaroon ng emergency.

Bakit ito mahalaga?

Kung maliit pa lamang ang apoy at ligtas itong lapitan, maaaring makatulong ang fire extinguisher upang hindi agad kumalat ang apoy.

Pero tandaan: kung lumalaki na ang apoy, makapal na ang usok, o hindi mo na ito kayang kontrolin, huwag nang subukang patayin mag-isa. Mas mahalaga ang buhay kaysa sa mga gamit. Lumikas agad at tumawag sa mga bumbero.

Iba Pang Mga Paalala sa Fire Prevention

Hindi lang apat ang paraan para makaiwas sa sunog. Pinili naming bigyang-diin ang mga paalalang nasa itaas dahil ito ang mga pinakanaaangkop sa aming video at sa mga natuklasan sa aming pananaliksik. Narito pa ang ilan pang opisyal na paalala mula sa Bureau of Fire Protection (BFP):

Ang fire safety ay hindi lang responsibilidad ng mga bumbero. Nagsisimula ito sa ating sariling tahanan.

Maraming tao ang nag-iisip tungkol sa fire safety kapag may usok na o may naririnig nang sirena. Pero sa totoo lang, nagsisimula ito sa mga simpleng desisyong ginagawa natin araw-araw.

Ang paghugot ng charger.

Ang pagpapasuri ng sirang wiring.

Ang pag-iwas sa illegal wiring.

Ang pagbabantay sa niluluto.

At ang paghahanda bago pa magkaroon ng emergency.

Hindi nito kayang maiwasan ang lahat ng sunog, pero malaki ang maitutulong ng mga simpleng pag-iingat upang mabawasan ang panganib at maprotektahan ang inyong pamilya, tahanan, at komunidad.

Saan nanggaling ang mga paalalang ito?

Ang mga paalalang ito ay batay sa aming pananaliksik kung saan nakapanayam namin ang mga bumbero tungkol sa kanilang mga karanasan sa aktwal na sunog sa Metro Manila. Sinuportahan din ito ng mga opisyal na gabay at fire safety advisories ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang matiyak na tama at mapagkakatiwalaan ang impormasyong ibinabahagi namin.

Mga Sanggunian:

  • Bureau of Fire Protection. Dapat at Hindi Dapat: Kaalaman sa Sunog, Alamin at Gawin.
  • Bureau of Fire Protection. Fire Prevention brochure.
  • Bureau of Fire Protection. What to Do in Case of Fire brochure.
  • Ventura, A. M., Lunar, R. A., et al. (2026). An Exploration of Firefighters’ Perspectives on Training, the Challenges They Encounter, and Their Impact on Responses to Critical Fire Incidents in Manila.

Mag-iwan ng Komento

Hindi ipapakita ang iyong email. Ang mga field na may markang * ay kailangang punan ng laman.

No comments to show.