Written by Monique Ventura
Kapag may sunog, hindi lang apoy ang problema. May takot, kaba, at kalituhan din. Para sa mga sibilyan, biglaan ang sunog at kadalasan walang babala. Dahil dito, ang ginagawa ng mga tao ay hindi laging base sa tamang kaalaman, kundi sa instinct at emosyon.
Ayon sa mga nakapanayam namin:
“Wala na akong naisip. Blanko lang.”
Sa ganitong sitwasyon, natural na ma-overwhelm o lubhang maapektuhan ang isang tao. Sa halip na makapag-isip nang malinaw, nangingibabaw ang takot at adrenaline.
Para sa iba, ang pinakamahalaga ay ang kaligtasan ng pamilya:
“Ang importante lang sakin ay yung maligtas yung pamilya ko… Yung mga gamit napapalitan yan, mas importante ang buhay.”
Habang ang iba naman ay mas pinipiling mawalan ng gamit kaysa masunugan:
“‘Di bale nang manakawan, huwag lang masunugan.”
Ipinapakita nito na sa gitna ng sunog, iba-iba ang iniisip ng mga tao; pero iisa ang pinanggagalingan: ang takot na mawalan.
Dahil dito, may mga pagkakataon na nagkakagulo, nagsisiksikan, o hindi agad nasusunod ang mga utos ng awtoridad. Hindi ito dahil ayaw makipagtulungan ng mga sibilyan, kundi dahil sa kakulangan ng malinaw na impormasyon at sa tindi ng emosyon sa sitwasyon.
Dito pumapasok ang tinatawag na communication gap. Nagkakaroon ng agwat sa pagitan ng mga bumbero at komunidad. Ang mga bumbero ay may sinusunod na sistema at training, pero ang mga sibilyan ay kumikilos base sa kanilang nakikita at nararamdaman.
Halimbawa, may mga lumalapit sa lugar ng sunog o kumukuha ng video para makita ang nangyayari. Ngunit para sa mga rumesponde, ang ganitong kilos ay maaaring makasagabal sa kanilang trabaho.

Mahalagang maintindihan na sa oras ng sunog, hindi laging malinaw ang pag-iisip ng tao. Kahit may alam sila kung ano ang dapat gawin, minsan ay hindi nila ito nasusunod dahil sa panic at pressure.
Sa kabila nito, hindi kalaban ang mga sibilyan. Sila ay mga taong naapektuhan at nangangailangan ng gabay. Sa pamamagitan ng mas malinaw na impormasyon at mas maayos na koordinasyon, maaaring mabawasan ang kalituhan sa ganitong mga sitwasyon.
Sa huli, ang kaligtasan ay responsibilidad ng lahat. Sa oras ng sunog, ang simpleng pagsunod sa awtoridad, pag-iwas sa pagharang, at agarang pagtawag ng bumbero ay maaaring makapagligtas ng buhay.
Maging maalam. Maging kalmado. Makipagtulungan.


Mag-iwan ng Komento