Written by Reuss Aleistair Lunar
Mga gabay sa kaligtasan
at mga aral mula sa mga bumbero
Sa gitna ng isang sitwasyon gaya ng sunog, mahalaga ang bawat segundo. Ang pagkakaroon ng tamang kaalaman at paghahanda ay isang daan upang maging ligtas ang sarili at komunidad.
Batay sa mga pananaw at karanasan ng mga bumbero, maraming bagay ang maiiwasan kung magiging mas handa ang publiko. Narito anf ilang mahahalagang gabay na makatutulong bago, habang, at pagkatapos ng sunog.
Kahalagahan ng Paghahanda
Ayon sa mga bumbero, isa sa mga pinakamalaking hamon sa oras ng sunog ay ang kakulaan ng paghahanda ng mga residente. Maraming mga tao ang hindi alam ang tamang evacuation route, walang nakahanda na emergency contacts, o kaya ay naguguluhan at nagpapanic kapag may sunog na.
Ang simpleng paghahanda ay maaaring makapagligtas ng buhay sa oras ng sunog.
Paano Maiiwasan ang Sunog?
Ang sunog ay maaaring magsimula sa mga simpleng bagay na maaaring maiwasan. Ito ang ilan sa mga puwedeng gawin:
- Huwag mag-iwan ng mga appliances o gamit na nakasaksak kung hindi naman ito ginagamit.
Ang mga gamit na iniiwang nakasaksak ay maaaring mag-overheat o magdulot ng electrical fault. Ugaliin na tanggalin sa saksakan ang mga ito kapag hindi ginagamit.
- Siguraduhing maayos ang koneksyon ng kuryente.
Ang mga lumang wiring, overloaded outlets (kapag masyadong marami ang naksaksak), at illegal wiring ay maaaring maging sanhi ng sunog. Ipasuri agad ang mga ito sa lisensyadong electrician kapag may napansing sirang outlet o madalas na pagkawala ng kuryente.
- Magkaroon ng fire extinguisher.
Malaking tulong ang pagkakaroon ng fire extinguisher upang maapula agad ang mga maliliit na sunog at hindi na ito lumaki pa.
Ang Papel ng Komunidad sa Fire Safety
Hindi lang mga bumbero ang mayroong responsibilidad sa gitna ng sunog. Mahalaga rin ang papel ng bawat resident o mamamayan sa komunidad na apektado ng sunog.
Panatilihing malinis at maluwag ang mga daanan upang madaling makapasok ang fire truck at makalikas ang mga tao. Huwag takpan at sirain ang mga fire hydrant dahil kailangan ito para sa mabilis na pag-apula ng sunog.
Kapag ang isang komunidad ay nagtutulungan, mas nagiging mabilis at ligtas ang operasyon ng mga bumbero.
Pagkatapos ng Sunog
Kapag nasiguradong ligtas na ang sitwasyon, ito ang mga lugar kung saan maaaring humingi ng tulong:
- Barangay evacuation center o office para sa paunang tulong
- Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa relief goods
- Municipal Social Welfare and Development (MSWD) o City Social Welfare and Development (CSWD) para sa iba pang suporta
- Bureau of Fire Protection (BFP) para sa fire incident report
Paalala mula sa mga Bumbero
Ayon sa mga bumbero, mas madaling maiwasan ang sunog kaysa apulahin ito. Ang pagkakaroon ng sapat at tamang kaalaman, paghahanda, at pagtutulungan ng komunidad ang pinakamabisang paraan upang masigurado ang kaligtasan ng lahat.
Hindi kailangan na hintayin magkaroon pa ng sakuna gaya ng sunog kaya’t mas mabuting simulan ang paghahanda ngayon.











Mag-iwan ng Komento