Written by Monique Ventura
Graphics by Reuss Aleistair Lunar
Pagkatapos masunugan, ligtas ka nga… pero ano na ang susunod?
Kapag humupa na ang apoy, hindi ibig sabihin tapos na ang lahat. Para sa maraming pamilya, dito pa lang nagsisimula ang panibagong hamon.
Normal lang na makaramdam ng pagod, lungkot, pag-aalala, o pagkalito pagkatapos ng sunog. Kung ganito ang nararamdaman mo, hindi ka nag-iisa.
Narito ang ilang paalala na maaaring makatulong sa mga susunod mong hakbang:

Humanap muna ng ligtas na matutuluyan.
Kung hindi na ligtas ang inyong bahay, huwag muna itong balikan.
Kung maaari, pansamantalang tumuloy muna sa evacuation center, sa bahay ng kamag-anak, o sa kaibigang maaaring magpatuloy sa inyo habang inaayos ang sitwasyon.
Bakit hindi ligtas bumalik agad?
Matapos ang sunog, maaaring may mahihinang pader, bumibigay na kisame, o iba pang panganib na hindi agad nakikita. Mas mabuting manatili muna sa isang ligtas na lugar habang hinihintay ang abiso ng mga awtoridad (BFP, 2024).
Makipag-ugnayan sa inyong barangay.
Kapag ligtas na ang inyong pamilya, ipaalam sa inyong barangay ang nangyari. Maaari nila kayong gabayan sa mga susunod na hakbang at ituro kung saan kayo maaaring humingi ng tulong.
Depende sa inyong pangangailangan, maaari rin kayong i-refer sa City/Municipal Social Welfare and Development Office (CSWD/MSWDO) o sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga available na assistance. Ayon sa DSWD (n.d.), kung kailangan naman ng fire incident report o certification, makipag-ugnayan sa Bureau of Fire Protection (BFP)
Bakit ito mahalaga?
Hindi kailangang alamin ninyo ang lahat ng proseso nang mag-isa. Sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa tamang tanggapan, mas malalaman ninyo kung anong tulong ang maaaring makuha at kung paano ito maa-access.

Alamin kung anong tulong ang available.
Hindi pare-pareho ang assistance na ibinibigay sa bawat lugar. Matapos makipag-ugnayan sa inyong barangay o lokal na pamahalaan, alamin kung anong mga programa ang maaari ninyong ma-avail. Maaaring kabilang dito ang relief goods, pagkain, damit, hygiene kits, pansamantalang matutuluyan, o iba pang tulong depende sa inyong pangangailangan (DSWD, n.d.).
Bakit ito mahalaga?
Ang pag-alam sa mga available na tulong ay makatutulong upang mas mapunan agad ang inyong mga pangunahing pangangailangan habang unti-unti kayong nakakabangon.

Ipaalam sa inyong pamilya at mga kaibigan na ligtas kayo.
Kapag may pagkakataon na, makipag-ugnayan sa inyong mga mahal sa buhay.
Isang simpleng mensahe o tawag na nagsasabing ligtas kayo ay malaking ginhawa para sa mga nag-aalala.
Bakit ito mahalaga?
Bukod sa pagbibigay ng kapanatagan, maaari rin silang makatulong sa inyong pansamantalang matutuluyan, pagkain, o iba pang pangangailangan.

Unti-unting magplano para sa susunod na hakbang.
Hindi kailangang maibalik agad ang lahat.
Bigyan ang inyong sarili at pamilya ng panahon upang makapagpahinga, makapag-isip, at makapagplano.
Isang hakbang sa bawat araw ay sapat na.
Bakit ito mahalaga?
Ang pagbangon matapos ang sunog ay hindi nangyayari sa isang araw. Ang pinakamahalaga ay ligtas kayong lahat at unti-unti ninyong mabubuo muli ang inyong tahanan at buhay.
Hindi madaling magsimula muli.
Walang checklist na kayang burahin ang sakit ng mawalan ng bahay o mga gamit na matagal ninyong pinaghirapan.
Pero tandaan: hindi ninyo kailangang harapin ito nang mag-isa.
Sa tulong ng inyong pamilya, komunidad, lokal na pamahalaan, at mga taong handang umalalay, posible ang unti-unting pagbangon.
Maaaring nawala ang inyong tahanan, ngunit hindi kailangang mawala ang pag-asa.
Saan nanggaling ang mga paalalang ito?
Ang mga paalalang ito ay batay sa aming pananaliksik kung saan nakapanayam namin ang mga bumbero tungkol sa kanilang mga karanasan sa aktwal na sunog sa Metro Manila. Sinuportahan din ito ng mga opisyal na gabay at fire safety advisories ng Bureau of Fire Protection (BFP), kabilang ang mga paalala tungkol sa kaligtasan pagkatapos ng sunog at ang pagbalik lamang sa bahay kapag ito ay idineklarang ligtas ng mga awtoridad (BFP, 2024).
Mga Sanggunian:
- Bureau of Fire Protection. Dapat at Hindi Dapat: Kaalaman sa Sunog, Alamin at Gawin.
- Bureau of Fire Protection. Fire Prevention brochure.
- Bureau of Fire Protection. What to Do in Case of Fire brochure.
- Bureau of Fire Protection. (2024). Fire Safety for Young Adults (Vol. 3). https://bfp.gov.ph/wp-content/uploads/2024/08/Volume-3-Fire-Safety-for-Young-Adults.pdf
- Department of Social Welfare and Development. (n.d.). Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS). https://www.dswd.gov.ph/aics/
- Ventura, A. M., Lunar, R. A., et al. (2026). An Exploration of Firefighters’ Perspectives on Training, the Challenges They Encounter, and Their Impact on Responses to Critical Fire Incidents in Manila.


Mag-iwan ng Komento